Condemned!
ni Ms. Len Leyesa
Ayon kay Merriam-Webster ang salitang condemned ay nangangahulugan na ang isang lugar ay "adjudge unfit for use or consumption." Kung gayon, ang isang bahay o pabahay ay hindi nararapat tirahan lalo pa't mas delikado ang lumagi doon kumpara sa tumawid ka ng naka-blindfold sa South Luzon Expressway. Kumbaga sa pagkain, panis o expired. Pero paano kapag wala ka ng ibang kakainin? Mapipilitan ka din namang kumain ng panis o kumain ng pagpag di ba?
Noong isang araw ko pa nabalitaan ang tungkol sa kundenadong pabahay ng Vitas-Katuparan. Matagal na panahon na mula noong nabisita ko ang lugar na yon. Pero hindi ibig sabihin nakalimutan ko na ang mga eskinita, ang amoy, at mukha ng mga taong naroroon. Naiisip ko nga na marahil wala namang ipinagbago ang lugar na yon, malamang ang lumala pa nga dahil na din sa matinding pinsalang dala ng kasalukuyang administrasyon sa sosyo-ekonomikong kalagayan ng mga mamamaya. Isabay mo pa ang mga natural na kalamidad. Nasundutan pa ng isang balita na mayroong isa pang tenement sa Sta. Ana na itinuturing na rin na kundenado.
Ngayon tatanungin ko kayo HUDC at NHA. Sino ba ang gustong manatili sa isang pabahay na walang hagdan, walang maayos na palikuran, napapaligiran ng masangsang na amoy? Sa tingin niyo, hindi man lang kaya naisip ng mga residente ang kahihinatnan nila kung sakali mang lumindol lalo na at kaya mong magsipit ng isang makapal ng notebook sa mga malalaking bitak sa five-story building?
Kaya maling sabihin na usual ng dahilan ng mga residente ng mga condemned na building na ito ang kawalan ng maayos na relokasyon at kalayuan ng lugar na paglilipatan. Dahil hindi usual yon, isang malaking bagay na patuloy niyong hindi maiintindihan kung ang tanging nasa isip niyo lang ay mangolekta ng bayad buwan-buwan mula sa mga low-cost housing na ito at ikandado ang kanilang mga yunit kung hindi sila nakakabayad. Hindi usual yon para sa mga taong ang pangunahing pinanggagalingan ng kanilang ikabubuhay ay pangangalakay ng basura, pakikipagpatintero sa mga MMDA sa bangketa; at paglalako at pagtitinda. Usapin ito ng araw-araw nilang panglaman sa kanilang sikmura.
Hindi na lamang ito usapin ng pabahay. Kung natatamo lamang ng mayorya ng taumbayan ang batayang karapatan, hindi na kinakailangang tumira pa sa mga bitak-bitak, binabaha, walang tubig-kuryente, earthquake at fire prone na mga pabahay. Dapat nga kayo ang i-condemn, isama na rin ang kasalukuyang administrasyon.
Sa ganitong sitwasyon, na inuna ng gobyerno ang pagbabayad ng utang na hindi naman natin napakinabangan, pondo ng militar na hindi naman tayo naipagtanggol kahit kelan kaysa sa serbisyo, lupa, trabaho at iba pang karapatam, masisisi niyo ba kung sumama kami sa rali, maging miyembro ng pangmasang organisasyon o para sa iba ay dalhin sa mas mataas na antas ang pakikibaka?
Naalala ko tuloy ang kanta ni Gary Granada..
Maghapo't magdamag silang kakayod, kakahig
Pagdaka'y tutukang nakaupo lang sa sahig
Sa papag na gutay-gutay, pipiliting hihimlay
Di hamak na mainam pa ang pahingahan ng mga patay
No comments:
Post a Comment